DOH,tinukoy ang mga dahilan kung bakit mababa ang booster dose coverage ng COVID-19 vaccine sa bansa
Nagsagawa ng survey ang Department of Health para alamin kung bakit mababa ang bilang ng mga nagpapabooster kontra COVID-19 dito sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, batay sa resulta ng nasabing survey kabilang sa dahilan kung bakit ayaw magpa booster ng marami ay dahil sa iniisip nilang sapat na ang unang 2 dose ng bakuna na kanilang natanggap.
Pangalawa, iniisip aniya ng iba na kapag bakunado na sila at tinamaan sila ng omicron variant ay mas protektado na sila.
Pangatlo, nakakaapekto na rin aniya ang mga maling impormasyon patungkol sa bakuna kaya ang iba ayaw ng magpabooster.
Ayon kay Vergeire, ang bakuna at maging iyong tinatawag na natural immunity ay humihina kaya mahalaga parin ang pagpapabooster.
Sa datos ng DOH, may 11.8 milyon palang sa mahigit 65 milyong fully vaccinated sa bansa ang nagpa booster na.
May 44 milyon naman aniya ang eligible na para sa booster pero hindi bumabalik sa vaccination sites.
Tiniyak naman ng opisyal na tinutugunan na nila ang mga natukoy na dahilan para mapaigting pa ang booster shot vaccination sa bansa.
Madz Moratillo