Unang gender award sa hudikatura, inilunsad ng Korte Suprema
Pormal nang inilunsad ng Korte Suprema ang kauna-unahang gender award sa hudikatura.
Tinawag ito na “HerStory: Gender Award of Distinction 2022.”
Ito ay proyekto ng Korte Suprema partikular ng Committee on Gender Responsiveness for Judiciary.
Layon nito na makilala ang maraming kuwento ng mga babaeng hukom sa kanilang mga tagumpay sa kabila ng mga hamon ng naranasan na may kaugnayan sa kanilang kasarian.
Ang mga finalists at ang kanilang istorya ay itatampok sa mga write-up na ipapakalat sa lahat ng hukuman para magsilbing inspirasyon sa ibang kababaihan.
Pipili naman ng tatlong mananalo na bibigyan ng gawad sa Marso ng susunod na taon.
Aminado si Chief Justice Alexander Gesmundo na mas marami ang mga lalaking hukom o mahistrado sa hudikatura kaysa mga babae kaya nagpapatuloy na struggle sa equality ng mga female jurists.
Bagaman sa lower courts aniya ay halos magkasing dami ang female judges sa male judges ay hindi ganito ang sitwasyon sa collegiate courts lalo na sa Supreme Court.
Sa 15 SC justices ay sina Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Amy Lazaro- Javier ang babaeng mahistrado.
Inamin ni Gesmundo na hindi niya maipapangako na sa kanyang termino ay magiging pantay ang bilang ng mga lalake sa babaeng hukom o justices.
Pero, tiniyak ni Gesmundo na sa kanyang liderato ay magiging merit-based ang nominasyon sa hudikatura at hindi dahil sa kasarian, lahi, relihiyon o political persuasion.
Moira Encina