Deadline para sa ACOP program ng SSS, extended hanggang Hunyo 30, 2022
Pinalawig pa ng Social Security System (SSS) ng hanggang Hunyo 30, 2022 ang deadline sa pagsusumite ng Annual Confirmation of Pensioners’ program (ACOP).
Ang extension ay alinsunod sa kautusan ni SSS President Michael Regino.
Sa nasabing programa, required ang mga SSS Pensioner na i-update ang kanilang personal information at kasalukuyang kalagayan upang hindi maputol ang tinatanggap nilang monthly pension.
Pero inulit ng SSS na ang mga dapat magsumite ng ACOP ay ang mga sumusunod:
- Survivor pensioners na nakatatanggap ng pension ng kanilang pumanaw na kaanak na SSS member;
- Total Disability pensioners;
- Guardians at kanilang dependents, at
- Retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa
Ayon sa SSS, dapat lamang punan ng mga pensionado ang hinahanap na impormasyon sa SSS form ukol sa ACOP at magpadala ng litrato hawak ang latest na kopya ng anumang pahayagan na nababasa ang kasalukuyang petsa.
Ito ay ipadadala sa pinakamalapit na sangay ng SSS o sa pamamagitan ng email.
Nilinaw naman ng ahensya na exempted o hindi kasama sa dapat magsumite ng ACOP ang mga retiradong pensioner ng SSS na naninirahan sa Pilipinas.