Higit 3,000 residente sa Northern Mindanao, inilikas dahil sa Tropical Storm Agaton
Kabuuang 3,347 indibidwal ang inilikas mula sa Cagayan de Oro city at Bukidnon kasunod ng mga insidente ng pagguho ng lupa at pagbaha dulot ng Tropical Storm Agaton.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, bago pa man pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo ay nakapagtala ng mga landslides at matitinding pagbaha sa ilang mga lugar sa Mindanao sanhi ng malalakas na pag-ulan.
Tiniyak naman ni Timbal na tuluy-tuloy ang pagtulong ng mga lokal na pamahalaan para sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Hinimok din ng opisyal ang ilan pang residente na naninirahan sa landslide at flood prone areas na sumunod sa advisories na ipinalalabas ng mga LGU at lisanin muna ang kanilang mga tahanan kung kinakailangan upang maiwasan ang aksidente.
Sinabi pa ni Timbal na maliban sa Region 10 ay may mga naiulat ring evacuations sa mga rehiyon ng BARMM at Caraga kasunod ng ilang araw na ring pagbaha at pagguho ng lupa.
Wala pa naman silang natatanggap na ulat ng mga namatay o naanod ng baha.