Mga kompanya ng langis nag-anunsiyo ng fuel price rollbacks
Inanunsiyo ng mga lokal na kompanya ng langis ang bawas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo, matapos i-anunsiyo ng International Energy Agency (IEA), na ang mga bansang miyembro nito ay maglalabas ng kabuuang 120 milyong bariles ng emergency oil stocks sa pandaigdigang pamilihan sa susunod na anim na buwan.
Ito na ang ikatlong beses ngayong taon na bumaba ang halaga ng petrolyo, matapos makaranas ang Pilipinas ng sunod-sunod na pagtaas sa halaga nito sa mga unang bahagi ng taon dahil sa mga pangyayari sa global oil market, na siyang pinagkukunan ng bansa ng suplay.
Sa isang advisory nitong Lunes, sinabi ng Seaoil Philippines na magpapatupad ito ng price rollbacks na piso kada lito ng gas, 35-sentimos kada litro ng diesel at tatlong piso sa bawat litro ng kerosene na magsisimula bukas ng umaga.
Ang Cleanfuel at PTT Philippines ay nag-anunsiyo rin ng kaparehong price adjustments sa kanilang mga produkto.
Ang halaga ng gas, diesel at kerosene sa Pilipinas ay tumaas simula sa umpisa ng taon dahil sa mahigpit na suplay, na bahagya pang pinalala ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Una nang inanunsiyo ng gobyerno na dodoblehin nito ang fuel subsidies para sa mga apektadong sektor ng P6.1 billion, upang tulungan ang mga miyembro ng transportation at agricultural industries na maka-agapay sa epekto ng fuel price hikes.
Ang bawas presyo sa linggong ito ay hindi sapat para mabawi ang sunod-sunod na taas presyo simula sa umpisa ng 2022.
Base sa advisories ng mga lokal na kompanya ng langis, simula sa unang linggo ng 2022, ang price adjustments ng mga produktong petrolyo ay ang sumusunod: P15 per liter para sa gasoline, P25.65 per liter para sa diesel at P21.1 per liter para sa kerosene.