IM Pilipinas, nananatiling buo ang suporta kay Mayor Isko Moreno
Matapos may ilang paksyon ng Ikaw-Muna Pilipinas ang lumipat ng suporta kay Vice president Leni Robredo, lumutang ang matataas na opisyal ng IM Pilipinas para igiit na si Mayor Isko Moreno parin ang kanilang sinusuportahang kandidato sa pagka presidente.
Giit ni IM Pilipinas Secretary General Philip Piccio nananatili paring solid ang kanilang organisasyon at sumusuporta sa anila ay pro-people programs ni Moreno.
Hindi raw nila iiwan si Moreno hanggang sa Mayo 9.
Maging si IM Pilipinas Central Luzon Regional head at Pampanga board member Jun Canlas tiniyak rin ang suporta sa kandidatura ni Moreno.
Maging ang IM Pilipinas Region 2 nananatili rin daw nakasuporta kay Moreno.
Ayon naman kay Alain James Buque ng IM Pilipinas Mindanao, ang nais nilang maging susunod na Pangulo ng bansa ay iyong may global competence.
Ang IM Pilipinas ay isa sa mga nanguna noon para kumbinsihin si Moreno na sumabak sa May 9,2022 Presidential race.
Bilang reaksyon naman sa paglipat ng suporta ng ibang paksyon ng IM Pilipinas, giit ni Moreno, nasa demokrasya naman tayo dito sa Pilipinas kaya malaya ang sinuman na gawin ang kanilang nais.
Madelyn Villar – Moratillo