Halalan sa May 9, mahigpit na babantayan ng Pamilya Marcos
Mahigpit na babantayan ng pamilya Marcos ang pagdaraos ng halalan sa Mayo.
Sa harap ito ng mga lumulutang na destabilization effort sa araw ng eleksyon at mga napapaulat na magkaroon ng dayaan.
Ayon kay Senador Imee Marcos, hindi dapat payagan na maulit ang mga kaso ng pandaraya at dapat manaig ang rule of law.
Noong 2016 nauna nang naghain ng petisyon sa Presidential electoral tribunal ang kapatid ng Senador na si Bongbong Marcos dahil sa umano’y pandaraya.
Inihayag pa ng Senador , hindi sila nagpapakampante sa resulta ng mga survey at mga exit polls kung saan frontrunner ang kaniyang kapatid.
Umapila naman ang mambabatas na tigilan na ang pagpapakalat ng mga impormasyon hinggil sa posibleng karahasan sa halalan.
Sa halip na maghasik ng takot, dapat aniyang igalang ng lahat ng kandidato ang karapatan ng mga Pilipino na makaboto at malayang makapili ng susunod na lider ng bansa.
Meanne Corvera