Ilang pulis mula sa Abra at Cordillera, inireklamo sa DOJ ng NBI dahil sa shootout sa Comelec checkpoint sa Pilar, Abra
Umaabot sa 11 na pulis mula sa Cordillera at Abra ang kinasuhan ng NBI sa DOJ kaugnay sa shooting incident sa PNP- Comelec checkpoint sa Pilar, Abra noong Marso 29.
Namatay sa insidente si Sandee Boy Bermudo na tauhan ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Somera-Disono.
Mga reklamong murder, perjury, at incriminating innocent persons ang inihain ng NBI laban sa mga opisyal at tauhan ng Cordillera at Abra PNP.
Kabilang sa mga inireklamo sina Cordillera Regional Director PBGen. Ronald Lee, PNP Abra Acting Provincial Director PCol. Maly Castillo Cula, at Pilar Municipal Police Station Chief PCpt. Ronald Eslabra, at walong iba pang pulis.
Sinampahan din ng reklamo si Comelec Pilar, Abra Election Officer II Rodrigo Basa II.
Nahaharap din sa mga parehong reklamo ang ilan pang hindi tukoy na pulis na miyembro ng Regional Mobile Force Batallion 15, Pilar Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Unit ng Abra Provincial Police Office.
Bubuo ang Office of the Prosecutor General ng panel of prosecutors na didinig sa mga reklamo.
Inihain ng NBI sa DOJ ang kaso upang maiwasan ang posibleng impluwensiya at intimidasyon mula sa iba’t ibang partido
Ayon sa NBI, ipinalabas ng ilang tauhan ng PNP na nagkaroon ng car chase at palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga pasahero ng puting van kung saan nakasakay ang biktima at mga kasamahan nito.
Moira Encina