North Korea nagpakawala ng tatlong ballistic missiles – Seoul military

People watch a television screen showing a news broadcast with file footage of a North Korean missile test, at a railway station in Seoul on May 25, 2022, after North Korea fired three ballistic missiles towards the Sea of Japan according to South Korea’s military. (Photo by JUNG YEON-JE / AFP)

Nagpakawala ng tatlong ballistic missiles ang North Korea sa Sea of Japan ayon sa militar ng Seoul, isang araw makaraan ang unang Asian visit ni US President Joe Biden bilang pinuno ng Amerika.

Sinabi ng Joint Chief of Staff ng South Korea, na naka-detect ito ng ballistic missiles firings bandang 0600 (2100 GMT), 0637 at 0642 na inilunsad mula sa Sunan area.

Ayon kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida, sinusubukan ng Tokyo na kumpirmahin ang impormasyon ukol dito.

Pahayag naman ng tanggapan ng bagong pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol, pangungunahan niya ang isang pulong ng National Security Council upang talakayin ang nasabing missile launch.

Si Yoon, na naupo sa puwesto sa unang bahagi ng buwang ito, ay nangakong magiging matigas sa Pyongyang makalipas ang limang taon ng bigong diplomasya.

Ang naturang missile launches ang pinakahuli sa weapons test ng Pyongyang ngayong taon, kabilang ang test-firing ng intercontinental ballistic missiles sa unang pagkakataon mula noong 2017.

Ang huling test ay ginawa ilang araw matapos umalis ni Biden sa South Korea noong Linggo, kung saan nagbabala ang US officials na maaaring magsagawa ng isang nuclear test si North Korean leader Kim Jong Un, habang si Biden ay nasa rehiyon.

Kamakailan ay dinoble ni Kim ang kaniyang programa ng military modernisation.

Kahit nahirapan sa kamakailan ay naranasang COVID-19 outbreak, ipinahihiwatig ng bagong satellite imagery na ipinagpatuloy ng North ang konstruksiyon sa isang matagal nang natutulog na nuclear reactor.

Noong May 12, nagtest-fire rin ang North Korea ng ballistic missiles sa kaparehong araw nang magdeklara si Kim ng isang “emergency” kaugnay ng Covid outbreak.

Ilang araw bago ito, nag-test fire rin sila ng isang submarine-launched ballistic missile, tatlong araw matapos ang bukod na ballistic missile launch.

Hindi naman nagkomento tungkol sa nabanggit na mga test ang state media ng North Korea, na karaniwang inire-report ang isang matagumpay na paglulunsad sa loob lamang ng 24-oras.

Nitong nakalipas na linggo ay sinabi ng South Korea, na nakumpleto na ng North Korea ang kanilang paghahanda para sa isang nuclear test, at naghihintay na lamang sila ng tamang pagkakataon.

© Agence France-Presse

Please follow and like us: