DOJ: Kasong kidnapping at serious illegal detention vs umano’y CPP- NPA member at recruiter na si Dr. Naty, binuhay ng korte sa Agusan del Sur
Tuloy ang paglilitis ng hukuman sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa sinasabing CPP- NPA member, fundraiser at recruiter na si Dr. Maria Natividad Castro alyas Dr. Naty.
Ayon sa DOJ, ito ay matapos baligtarin ni Bayugan City, Agusan Del Sur Executive Judge Ferdinand Villanueva ang naunang utos ng korte na ibasura ang mga kaso laban kay Castro.
Sa desisyon ni Judge Villanueva, sinabi na walang denial of due process sa akusado dahil nagsagawa ng preliminary investigation ang prosekusyon.
Batay pa sa hukom, nagkaroon ng hurisdiksyon ang korte sa doktora nang siya ay arestuhin sa bisa ng warrant of arrest.
Kaugnay nito, binanggit din sa court order na may petsang June 16 na magiisyu ito ng e-warrant laban kay Dr. Naty para ito ay madakip muli.
Una nang ibinasura ng Bayugan RTC Branch 7 noong Marso ang mga kaso laban kay Castro.
Dahil dito ay naghain ng mosyon ang prosekusyon laban sa dismissal ng kaso na pinaboran naman ng judge na si Villanueva.
Ang kaso laban sa doktora ay nag-ugat sa sinasabing pagdukot at pagkulong sa isang Bernabe Salahay na umano’y miyembro ng Civilian Active Auxiliary ng Philippine Army noong Disyembre 2018.
Moira Encina