Power crunch ibinabala kaugnay ng heatwave sa Japan
Nagbabala ang gobyerno ng Japan ng isang power crunch sanhi ng nararanasang grabeng init sa bansa.
Ang mga residente sa loob at labas ng kabisera ay pinayuhang magtipid sa enerhiya, partikular sa gabi .
Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), ang forecast ng temperatura sa Tokyo ngayong Lunes ay 35 degrees Celsius (95 degrees Fahrenheit), at hindi ito inaasahang babagsak ng mas mababa sa 34 hanggang sa Linggo.
Sinabi ni Yoshihiko Isozaki, deputy chief cabinet secretary . . . “We ask the public to reduce energy consumption during the early evening hours when the reserve ratio falls, but residents should do what was needed to stay cool and avoid heatstroke.”
Mas maraming lugar sa Japan ang normal nang makaranas ng mga pag-ulan sa ganitong panahon, nguni’t ngayong Lunes ay idineklara ng JMA na tapos na ang rainy season sa Kanto region, tahanan ng Tokyo, at ng katabing Koshin area.
Ito ang pinakamaagang panahon na tinapos na ang rainy season simula nang maitala ito noong 1951, at 22 araw na mas maaga kaysa karaniwan.
Idineklara na rin ng JMA ang pagtatapos ng rainy season sa Tokai sa central Japan at sa bahagi ng southern Kyushu, sa pagsasabing ang panahon ng tag-ulan ngayong taon sa mga lugar na ito at sa Kanto-Koshin ang pinakamaikling naitala.
Nitong Linggo, ang Isesaki city sa Gunma prefecture sa hilaga ng Tokyo ay nakapagtala ng pinakamainit na temperaturang naitala sa Japan ngayong Hunyo, 40.2C.