Anim patay sa pagguho ng glacier sa Italian Alps
Isang avalanche na dulot ng pagbagsak ng pinakamalaking glacier sa Italian Alps, ang ikinasawi ng hindi bababa sa anim katao at ikinasugat ng walong iba pa nitong Linggo, ayon sa tagapagsalita ng emergency services.
Ang glacier ay gumuho sa bundok ng Marmolada, ang pinakamataas sa Italian Dolomites, malapit sa nayon ng Punta Rocca, sa rutang karaniwang tinatahak upang marating ang tuktok nito.
Ang Marmolada glacier ang pinakamalaki sa Dolomites mountain range, na bahagi ng Italian Alps at matatagpuan sa hilagang bahagi ng Marmolada.
Ang sakuna ay nangyari isang araw pagkatapos na maitala ang record-high temperature na 10 degrees Celsius (50 degrees Fahrenheit) sa tuktok ng glacier.
Ayon kay emergency services spokeswoman Michaela Canova . . . “An avalanche of snow, ice and rock hit an access path at a time when there were several roped parties, some of whom were swept away.”
Ang paghahanap sa survivors ay itinigil nitong Linggo, subali’t nagpatuloy ngayong Lunes.
Sinabi ni Massimo Frezzotti, isang science professor sa Roma Tre University, na ang pagguho ay bunga ng hindi karaniwang init ng panahon na iniuugnay sa global warming.
Aniya . . . “The current conditions of the glacier correspond to mid-August, not early July.”
Dalawa sa mga nasaktan ay dinala sa pagamutan sa Belluno, habang ang isa na may mas malalang kondisyon ay dinala naman sa Treviso at ang lima sa Trento.
Ayon kay Canova . . . “The total number of climbers involved is not yet known.” Hindi niya tinukoy ang nasyonalidad ng mga biktima, nguni’t ayon sa ulat ng Italian media, kabilang sa mga ito ay mga dayuhan.
Ang mga helicopter ay ikinalat para sumama sa paunang rescue operation at upang subaybayan ang sitwasyon mula sa himpapawid.
Ayon sa rescuers sa kalapit na Veneto region ng northeast Italy, idineploy nila ang lahat ng kanilang Alpine teams, kabilang ang sniffer dogs.
Nagpaabot na ng kaniyang taso pusong pakikiramay si Italian Prime Minister Mario Draghi, sa pamilya ng mga biktima.
Sinabi ng glacier specialist na si Renato Colucci . . . “The phenomenon was bound to repeat itself, because for weeks the temperatures at altitude in the Alps have been well beyond normal values.”
Dagdag pa niya . . . “The recent warm temperatures had produced a large quantity of water from the melting glacier that accumulated at the bottom of the block of ice and caused it to collapse.”
© Agence France-Presse