Curriculum para sa K to 12 Program ipinarerepaso sa Senado
Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na iparepaso ang Curriculum para sa K to 12 program.
Naghain na ng resolusyon ang senador para busisiin ano ang naging problema sa implementasyon ng K to 12 sa basic education system at maayos ang problema sa skills mismatch sa mga senior high school graduates.
Ayon sa Senador, hindi siya pabor na i abolish ang K to 12 program dahil hindi na sapat ang sampung taong sistema ng edukasyon para makasabay ang Pilipinas sa global standards.
Kailangan aniya paigtingin ang pagbabasa at hasain pa sa Mathematics ang mas maraming mga kabataan.
Kung ibabalik aniya ang sampung taong sistema ng edukasyon, baka mahirapan ang mga kabataan na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.
Sa kasalukuyang datos aniya, maraming mga employer ang nagsasabing hindi sapat ang karanasan at kaalaman ng mga nakapagtapos ng senior high school para sa demand sa employment at pangangailangan ng industriya.
Batay rin aniya sa kanilang ginawang pag-iikot sa buong bansa dismayado ang mas maraming mga magulang dahil ang kanilang mga anak na nagsipagtapos hindi makakuha ng trabaho dahil kahit ang technical vocational na itinuturo ay hindi tugma.
Meanne Corvera