Ilang customers, babayaran ng China banks makaraan ang malawakang mga protesta
Simula sa Biyernes ay makukuha na ng ilang customers ng rural Chinese banks ang kanilang pera, makaraang ma-freeze ang kanilang withdrawal.
Ito ang sinabi ng regulators matapos magkagulo ang mga depositor at ang mga awtoridad sa isang hindi karaniwang protesta nitong weekend.
Lubhang naapektuhan ang rural banking sector ng China, ng pagsisikap ng Beijing na pigilan ang isang “property bubble” at paikot-ikot lamang na pautang, sa isang financial crackdown na nagkaroon ng “ripple effects” sa pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo.
Nagpasya ang apat na mga bangko sa Henan province na i-freeze ang lahat ng cash withdrawals simula pa noong kalagitnaang ng Abril, sanhi para libu-libong depositors ang hindi makapag-withdraw ng kanilang pera, na nagpasiklab sa magkakahiwalay na mga demonstrasyon.
Sa isa sa pinakamalaki sa mga nabanggit na demonstrasyon, daan-daan ang nagtipon noong Linggo sa labas ng isang sangay ng People’s Bank of China sa Zhengzhou kapitolyo ng Henan, at hinihingi ang kanilang pera, kalaunan ay nagreklamo ang mga protester na sinalakay sila ng hindi kilalang mga lalaki.
Subali’t simula sa Biyernes, ang individual customers na may depositong aabot hanggang 50,000 yuan ($7,442) ay babayaran na ayon sa regulator, habang ang mga arrangement para mabayaran ang iba pa ay i-aanunsiyo rin.
Ayon sa regulator . . . “Funds that are involved in illegal or criminal (activity) will temporarily not be repaid.”
Ang anunsiyo ay ginawa isang araw matapos sabihin ng pulisya na naaresto nila ang mga miyembro ng isang “criminal gang” na inaakusahang nag-take over sa mga lokal na bangko, at nagsagawa ng illegal transfers sa pamamagitan ng pekeng loans.
Bihira ang mga protesta sa mahigpit na kontroladong China, kung saan ipinatutupad ng mga awtoridad ang katatagang panlipunan sa anomang paraan, at ang mga may pagtutol ay agad na sinusupil.
Subali’t may mga pagkakataong nagtatagumpay ang ilang desperadong mamamayan sa pag-oorganisa ng mga kilos protesta, karaniwan kapag ang kanilang target ay mga lokal na pamahalaan o indibidwal na korporasyon.
Inakusahan ng ilang kasama sa protesta noong Linggo ang mga opisyal nang pakikipagsabwatan sa mga lokal na bangko, para sawatain ang mga rally.
© Agence France-Presse