Ivana Trump, namatay dahil sa hindi sinasadyang ‘blunt impact’ sa katawan
Sinabi ng chief medical examiner ng New York, na ang unang asawa ni dating US President Donald Trump na si Ivana Trump, ay namatay dahil sa “blunt impact injuries” sa katawan sa isang aksidente.
Hindi naman tinukoy sa pahayag ang mga pangyayari, ngunit iniulat ng US media na sinisiyasat ng pulisya kung ang 73-taong-gulang ay namatay nang mahulog sa hagdan sa kanyang tahanan sa Manhattan.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng New York Police Department, na rumesponde ang mga opisyal sa isang tawag mula sa address ni Ivana Trump sa Upper East Side, at natagpuan siyang “walang malay at unresponsive.”
Batay pa rin sa pahayag, si Ivana ay binawian ng buhay sa pinangyarihan ng aksidente, at idinagdag na wala namang lumilitaw na nangyaring krimen.
Noong Huwebes ay inanunsiyo ni Donald Trump ang pagkamatay ng una niyang asawa.
Si Ivana Trump, na isang model at lumaki sa ilalim ng communist rule sa dating Czechoslovakia, ay nagpakasal kay Donald Trump na noon ay isa pa lamang sumisibol na real estate developer, noong 1977.
Ang panganay nila na si Donald, Jr., ay isinilang sa huling bahagi ng 1977. Si Ivanka naman ay ipinanganak noong 1981 at si Eric ay 1984.
Sa buong panahon ng dekada 80, ang Trumps ay isa sa naging highest-profile couples ng New York. Lalo silang sumikat at naging makapangyarihan nang lumago ang property business ni Donald, kung saan si Ivana ay nagkaroon ng ilang bilang ng pangunahing papel sa negosyo.
Samantala, sinabi ng isang US justice official na ipinagpaliban muna ang depositions nina Donald Trump, Donald, Jr., at Ivanka sa civil investigation ng New York sa umano’y pandaraya sa negosyo ng pamilya, kasunod ng pagkamatay ni Ivana.
© Agence France-Presse