Mga dayuhang tulak ng ipinagbabawal na gamot, arestado sa Zamboanga del Norte
Arestado sa isinagawang joint drug buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) Zamboanga del Norte, ang dalawang live-in partner na dayuhan na umano’y nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Ang operasyon na pinangunahan ni Pol. Lt. Leo Fernandez Suan, ay sanib puwersang isinagawa ng PDEG SOU 9, RDEU 9 Zamboanga del Sur, RA-RID 9 Zamboanga del Norte, 1st ZNPMFC, Dipolog CPS, at Liloy MPS sa Purok 7, Barangay Biasong sa Dipolog City.
Nakilala ang dalawang naarestong suspek na sina Kyle Lee Sommer, 31-anyos at Maria Rael Witter, 28 anyos, pawang residente ng California, USA at pansamantalang naninirahan sa Barangay Miputak, Dipolog City.
Nakumpiska mula kay Sommer ang dalawang malalaki at tatlong maliit na pakete ng pinaniniwalaang shabu, dalawang pakete na may lamang pink tablet na pinaniniwalaang 2CB, isang plastic container na naglalaman ng pinaniniwalaang marijuana, P25,500.00 boodle money, P150.00 proceeds money at P500.00 buy bust money.
Si Sommer at Witter ay dinala sa Provincial Crime Laboratory Office, para isailalim sa drug testing kasama ang nakumpiskang drug items na isinailalim naman sa chemical examination.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Dipolog City Police Station ang dalawang suspek, habang hinihintay ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila .
Ulat ni Rosevelt Mondinido