Mga imbitado at hindi sa libing ni Queen Elizabeth II
Daan-daang foreign royals at foreign leaders ang inaasahang dadalo sa libing ni Queen Elizabeth II sa London sa Lunes, September 19, sa isa sa pinakamalaking diplomatic gatherings.
Ang Westminster Abbey ay mayroon lamang espasyo para sa halos 2,000 katao, kaya tanging mga pinuno lamang ng estado at isa o dalawang bisita ang napaulat na inimbitahan para sa unang state funeral sa Britanya sa nakalipas na anim na dekada.
Samantala, may ilang bansa rin na hindi inimbitahan sa libing dahil sa konsiderasyong pangpulitika.
Narito ang ilan sa mga pangunahing bisita na imbitado at nagbigay ng kumpirmasyong dadalo sa libing ng reyna sa Lunes:
- Emperor Naruhito at Empress Masako ng Japan
- Dutch King Willem-Alexander, Queen Maxima at Crown Princess Beatrix, Philippe King ng Belgians, King Harald V ng Norway at Prince Albert II ng Monaco
- Queen Margrethe ng Denmark, na inalis muna sa talaan ang ilang events na may kaugnayan sa kaniyang 50th jubilee kasunod ng pagpanaw ng kaniyang third cousin na si Queen Elizabeth II
- King Felipe VI ng Spain, kaniyang ama at dating hari na si Juan Carlos I
- Si U.S. President Joe Biden at asawang si Jill Biden ang nanguna sa diplomatic guest list, matapos kumpirmahin ng White House na dadalo sila sa libing.
Hindi gaya ng iba pang mga lider na hiniling na sumakay sa coaches ng British government, si Biden ay napaulat na binigyan ng permisong gamitin ang kaniyang armoured presidential limousine, na kilala sa tawag na The Beast.
Kabilang din sa mga dadalo ay sina:
- French President Emmanuel Macron. Isa rin siya sa mga lider na pinayagang gamitin ang sariling sasakyan ayon sa British officials
- Strongmen leaders Recep Tayyip Erdogan ng Turkey at Jair Bolsonaro ng Brazil
- Sa kabila naman ng Brexit o paghiwalay ng Britanya sa European Union, ay dadalo rin sina European Commission chief Ursula von der Leyen at European Council head Charles Michel
Ang iba pang mga pinuno ng estado na dadalo ay sina President Sergio Mattarella ng Italy, President Frank-Walter Steinmeier ng Germany, President Isaac Herzog ng Israel at President Yoon Suk-yeol ng Korea.
Sa isa namang simbolikong hakbang para magbigay ng tribute sa reyna na ang state visit noong 2011 ang tumapos sa dekada nang tensiyon, ay dadalo rin si Ireland Taoiseach at prime minister Micheal Martin.
Marami ring lider mula sa mga bansa na ibinibilang pa rin si Queen Elizabeth II na kanilang monarkiya at mula sa mga miyembro ng 56-nation Commonwealth ang dadalo.
Kabilang dito sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Australian Prime Minister Anthony Albanese at New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, mga bansang ang head of state ay ang reyna.
Dadalo rin ang mga lider mula sa Commonwealth ng karamihan ay dating British colonies, gaya ni South African President Cyril Ramaphosa, Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina, Sri Lankan President Ranil Wickremesinghe at Fijian Prime Minister Frank Bainimarama.
Sinabi naman ng isang source mula sa gobyerno ng Britanya, na kabilang ang Russia at Belarus sa maliit na bilang ng mga bansa na hindi imbitado sa libing ng reyna kasunod ng pagsalakay ng Moscow sa Ukraine.
Ang Myanmar na ngayon ay pinatatakbo ng militar, na isang dating British colony, at ang North Korea ay hindi rin imbitado ayon sa British source na ayaw magpabanggit ng pangalan.
© Agence France-Presse