Hinihinalang Russian undercover spy, arestado sa Norway
Inihayag ng PST, counter-espionage service ng Norway, na inaresto nito ang isang hinihinalang Russian spy na nagpapanggap na isang Brazilian academic.
Ayon sa balita, ang suspek ay idinitini habang papunta sa kaniyang trabaho sa Tromso university, sa northern Norway.
Sinabi ni PST deputy director Hedvig Moe, “We think he’s working undercover for the Russian authorities. An undercover agent is someone who gathers information, most often for his or her country of origin — in this case Russia and the Russian intelligence services.”
Nais ng PST, na nagsabing nakipag-ugnayan ito sa intelligence services mula sa kaalyadong mga bansa, na mapatalsik mula sa Norway ang suspek. Sa ngayon ay pinatawan siya ng apat na linggong detention order.
Ang pagkakadakip sa sinasabing espiya, ay kasunod ng biglaang pag-aresto sa mga mamamayan ng Russia na inaakusahan ng pagpapalipad ng drones sa Norwegian territory, na labag sa ipinatutupad na ban sa harap ng pananakop ng Moscow sa Ukraine.
Ang iba pang Ruso ay idinitini sa Norway sa mga kaso ng umano’y ilegal na pagkuha sa larawan ng mga sensitibong lugar.
Ang Norway ay miyembro ng NATO military alliance.
Sa Arctic Circle, ang Norway ay may 198 kilometro (123 milya) bahagi sa hangganan ng Russia, na pumalit bilang nangungunang supplier ng natural gas sa Europa.
© Agence France-Presse