Isa pang person of interest sa Percy Lapid killing, inilipat na sa kustodiya ng NBI

Unti-unti nang lumilinaw ang kaso ng pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ito ang pahayag ng DOJ makaraan na magtulungan ang NBI at PNP sa imbestigasyon sa kaso ni Lapid at sa pagkamatay ng sinasabing middleman na si Jun Villamor.

Gayunman, sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si Atty. Mico Clavano na hindi nila isinasara ang lahat ng posibilidad sa mga tunay na pangyayari at ang mga may kinalaman sa krimen.

Nais din aniya ng DOJ na mayroon itong airtight na kaso bago maglabas ng mga impormasyon.

Kinumpirma naman ni Clavano na nailipat na sa NBI mula sa pasilidad ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang isa pang person of interest sa kaso ng pagpatay sa brodkaster.

Ayon sa opisyal, kukuhanan din ng testimonya ng NBI at PNP ang nasabing indibiduwal na isang person deprived of liberty (PDL).

Samantala, humingi ng karagdagang panahon ang mga otoridad sa paglalabas ng resulta ng ikalawang otopsiya sa bangkay ni Villamor.

Ayon kay Clavano, nais ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na maging kumpleto at “thorough” ang posibleng anim na pahinang report na ilalabas nito sa Sabado ukol sa isinagawang autopsy.

Una nang hiniling ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagsasagawa ng second autopsy sa labi ng middleman.

Sa inisyal na pagsusuri ng NBI, walang nakitang external physical injury sa katawan ni Villamor pero may hemorrhage sa puso nito.

Namatay si Villamor noong October 18 sa parehong araw na isinugod ito sa Bilibid Hospital makaraang mawalan ng malay.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *