Namatay sa kambal na pagsabog sa Somalia umakyat na sa 100
Sinabi ni President Hassan Sheikh Muhamud, na umakyat na sa 100 ang bilang ng mga nasawi sa kambal na car bombings sa Mogadishu, kabisera ng Somalia, na inaangkin ng Al-Shabaab Islamists, at umani na ng pagkondena mula sa international allies ng bansa.
Ayon kay Muhamud, “So far, the number of people who died has reached 100 and 300 are wounded, and the number for both the death and wounded continues to increase.”
Ang responsibilidad sa pag-atake ay inangkin ng Al-Shabaab, isang Islamist group na may kaugnayan sa Al-Qaeda, kung saan dalawang sasakyan na may mga eksplosibo ang sumabog minuto lamang ang pagitan malapit sa abalang Zobe intersection ng siyudad, na sinundan ng mga putok, sa pagsasabing target nila ang ministry of education ng bansa.
Ang nangyaring pagsabog ay naging sanhi rin ng pagkabasag ng mga salamin at pagkawasak ng mga dingding ng mga kalapit na gusali, habang nagliparan naman ang mga shrapnel at pumailanlang sa ere ang mga usok at alikabok.
Agad namang kinondena ng mga kaalyadong bansa ng Somalia ang nangyari, kung saan ang Estados Unidos, United Nations at African Union ay pawang nagpadala na ng mensahe ng pagsuporta.
Sinabi ni police spokesman Sadik Dudishe, “Women, children and the elderly were among the victims of the attack. The ruthless terrorists killed mothers. Some of them died with their children trapped on their backs.”
Naganap ang pag-atake sa kapareho ring abalang lugar, kung saan isang trak na puno ng mga eksplosibo ang sumabog noong October 14, 2017 na ikinamatay ng 512 katao habang higit 290 rin ang nasaktan, ang itinuturing na pinakamadugong pag-atake sa bansa.
Inilarawan ni Mohamud ang insidente na “makasaysayan,” sa pagsasabing “nangyari ito sa kaparehong lugar, at mga inosente ulit ang nadamay.”
Aniya, “This is not right. God willing, they will not be having an ability to do another Zobe incident,” na ang tinutukoy ay ang Al-Shabaab.
© Agence France-Presse