Pondo para sa health care emergency na inilagay sa Unprogrammed funds sa panukalang budget sa 2023 kinukwestyon
Kinuwestyon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel kung bakit inilagay sa unprogrammed funds ng Public Health Emergency and Allowances para sa mga health at non-health worker sa ilalim ng panukalang 2023 National budget.
Sa budget hearing sa Senado, itinaas na sa 52 billion pesos ang proposed budget, mula sa 18.9 billion pesos pero tanong ni Pimentel bakit nasa unprogrammed funds ang pondo samantalang ginagamit naman ang pondo.
Pangamba ng Senador kung hindi ito magagamit baka mauwi ito sa parking funds.
Pero depensa ni Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Finance Committee, kung wala aniyang magiging’state of public health emergency’ sa susunod na taon, hindi naman masasayang ang pondo dahil nakasaad sa special provision ng Republic Act 11712 o Public Health Emergency, Benefits and Allowance for Health Care Workers Act na maaari pa rin itong magamit pambayad sa ‘arrears’ o utang na benepisyo sa mga health workers mula 2020.
Meanne Corvera