Senado titiyaking masusuri at hindi na mauuwi sa korapsyon ang Maharlika funds sakaling talakayin na ito
May tyansa nang matalakay sa Senado ang kontrobersyal na Maharlika Investment funds.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, personal niyang nakausap si Pangulong Bongbong Marcos at inamin sa kaniya ng Pangulo na seryoso niyang ikinukunsidera na i-invest ang ilang assests ng gobyerno sa ilalim ng isinusulong na Sovereign Wealth Fund.
Isa sa tinukoy ni Zubiri ang National Grid na ligtas na i invest na ngayon ay na monopolized na ng China.
Maaari rin aniyang gamitin ang Wealth fund na ito para i-buy back ang Petron para hindi na mamanipula ng oil companies ang presyo ng mga produktong petrolyo oras na nagkakaroon ng paggalaw sa pandaigdigang merkado.
Pero sinabi ni Zubiri walang instruction sa kaniya ang Pangulo na bilisan ang proseso para aprubahan ang panukalang ito gaya ng nangyari sa panukala sa Kamara.
Nagbigay raw siya ng commitment sa Pangulo na magpapatawag ng caucus sa mga miyembro ng Senado para talakayin ang isyung ito.
Sa ngayon walang nakahain na counterpart bill ng Maharlika Wealth Fund sa Senado kaya hihintayin aniya nila ang anumang aaprubahang bersyon ng Kamara.
Marami naman raw Senador na handang maghain ng kaparehong panukala.
Pagtitiyak ni Zubiri sakaling matalakay na ito sa Senado, hindi nila ito ire railroad at tiniyak na maglalatag ng sapat na safeguards,benepisyo tulad ng SSS at GSIS at hindi dapat galing sa utang.
Nagpasalamat naman ang oposisyon sa Senado na bagamat sinusuportahan ni PBBM ang Maharlika Wealth Fund, hindi nito dinidiktahan ang lehislatura at iginagalang na kailangang dumaan ito sa debate at transparent na proseso.
Pagtiyak ni Senate Minority Leader Aquilino “koko” Pimentel, dadaan sa butas ng karayom ang panukala at bubusisiing mabuti kung kailangan ba ito ngayon ng bansa.
Meanne Corvera