Mga Pinoy na na-istranded sa Peru, umakyat na sa tatlo–DFA
Umaabot na sa tatlo ang mga Pilipino na na-istranded sa Peru bunsod ng political crisis doon.
Una nang iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Santiago ang 24 anyos na lalaking backpacker na stranded sa Cusco International Airport.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa Lima, Peru na ang nasabing Pinoy tourist.
Bukod sa kaniya, na-istranded naman sa Inca Trail ang overseas Filipino tourist mula sa Dubai kasama ang tour group.
Naghihintay na ang OF ng flight papuntang Lima mula sa Cusco.
Gayundin, sinabi ng DFA na istranded din ang isang kapitan sa Arequipa.
Nakaiskedyul naman ang flight ng kapitan sa December 21.
Tiniyak ng DFA na minomonitor ang tatlo ng embahada sa pamamagitan ng Filipino community coordinator at Philippine Honorary Consulate sa Lima.
Moira Encina