Biden bibisita sa California sa Huwebes, ayon sa White House
Inihayag ng White House, na bibisitahin ni US President Joe Biden ang mga lugar sa California na nakaranas ng mga pagbaha dulot ng serye ng mga bagyo.
Ayon sa pahayag ng White House, “Biden will tour ‘communities impacted’ by the devastation from recent storms, survey recovery efforts, and assess what additional federal support is needed.”
Ang California ay sinalanta ng siyam na sunod-sunod na mga bagyong nagmula sa Pacific Ocean sa loob ng tatlong linggo, na ikinasawi na ng 19 katao.
Nitong weekend, ay nagdeklara si Biden ng isang “major disaster” sa California na magbibigay pagkakataon sa federal government na mapabilis ang pagkakaloob ng ayuda, kabilang na ang para sa pansamantalang matutuluyan at pagpapakumpuni sa mga nasira.
Ayon naman sa poweroutage.us, nasa 23,800 mga bahay sa California ang wala pa ring suplay ng kuryente hanggang kagabi.
Sa kabutihang palad, ang walang tigil na winter storms sa California ay tila humina, habang dumaraan sa mga bundok ng Sierra Nevada patungo sa mga estado ng Rocky Mountain.
Naiwan namang basang-basa ang mga lungsod sa hilagang California sanhi ng napakaraming ulan na bumagsak doon. Ayon sa ulat mula sa National Weather Service (NWS) para sa Bay Area, higit sa 18 pulgada (45 sentimetro) ng ulan ang bumagsak sa San Francisco mula noong Disyembre 26.
Sa tweet ng tanggapan ng NWS ay nakasaad, “It’s the wettest 22-day period since January 14, 1862.”
© Agence France-Presse