DFA inaasikaso na ang pagpapauwi sa bansa ng mga Pinoy na biktima ng illegal trafficking sa Timog Silangang Asya
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na inaasikaso na nito ang repatriation sa mga Pilipino na biktima ng illegal trafficking sa Timog Silangang Asya.
Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega na batid ng kagawaran ang iba’t ibang kaso ng mga Pinoy na pinangakuan ng mga non-existent na trabaho sa ibang bansa pero kalaunan ay sapilitan na pagtatrabahuhin sa mga iligal na operasyon gaya ng online scamming.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang DFA sa pamamagitan ng mga embahada nito sa mga lokal na otoridad para mapabalik na sa Pilipinas ang mga biktima mula sa mga bansa tulad ng Cambodia, Laos at Myanmar.
Umapela ang DFA sa mga Pilipino na maging mapagmatyag at sundin ang mga regular na deployment procedure ng mga kinauukulang ahensya bago umalis para sa trabaho abroad.
Moira Encina