Jersey ni LeBron James, naibenta sa halagang $3.7 million
Naipagbili sa isang auction nitong Biyernes sa halagang $3.7 million, ang isang jersey na ginamit ng superstar na si LeBron James, limang beses na mas mataas kaysa sa halaga ng mga nauna niyang gamit na naibenta.
Tumaas kaysa karaniwan ang interes sa 38-anyos na star ng LA Lakers, habang papalapit siya sa all-time scoring record ng NBA.
Kailangan na lamang ni James ng 178 points para malampasan ang 38, 387 points tally ng Lakers legend na si Kareem Abdul-Jabbar, na isa sa pinakamatagal nang record sa basketball at pinakaaasam na makuha.
Ang jersey ay nabili mula sa Sotheby’s sa New York. Isinuot ito ni James habang naglalaro kasama ng Miami Heat sa kanilang 2013 NBA finals game seven victory laban sa San Antonio Spurs.
Sinira nito ang naunang record na $630,000 para sa isang James All-Star jersey na ginamit niya noong 2020.
Ang game-worn sports memorabilia ay isang malaking negosyo.
Ang 1998 NBA Finals jersey ni Michael Jordan, na naipagbili sa halagang $10.1 million noong September 2022, ang kasalukuyang “most valuable” sa mga katulad na item.
Ang “Hand of God” jersey ni Diego Maradona, ay naipagbili ng $9.3 million sa Sotheby’s sa London noong nakaraang taon.
Samantala, naibenta rin ng Sotheby’s nitong Biyernes ang isang damit na isinuot ng namayapang si Princess Diana sa halagang $604,800.
© Agence France-Presse