Deportasyon sa Japanese fugitives masisimulan na sa susunod na linggo
Sa susunod na linggo ay mauumpisahan na ang deportasyon sa mga puganteng Hapon na wanted sa mga kasong robbery sa Japan.
Partikular sa dalawang Japanese na kinilala na sina Kiyoto Imamura at Toshiya Fujita.
Wala nang pending na mga kaso sa bansa ang dalawa matapos na ma-dismiss na ng mga hukuman sa Bacolod, Taguig City, at Maguindanao.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, mula sa 10 o 11 kaso na kinakaharap ng apat na Hapon ay naibasura na ang pito sa mga ito.
Isa sa mga hinihintay na lamang na mabasura ay ang kaso sa Pasay City court laban sa sinasabing alyas Luffy na si Yuki Watanabe na itinuturing mastermind ng malalaking nakawan sa Japan.
Tiniyak naman ng kalihim na inaaaral at sinusuri nila na mabuti kung gawa-gawa o totoo ang mga kaso para masiguro na hindi malalabag ang karapatan ng mga tunay na biktima lalo na’t ang karamihan sa mga kaso laban sa mga pugante ay violence against women and children.
Samantala, inihayag ni Remulla na inihahanda na rin ng pamahalaan ang pormal na pag-turnover ng mga ebidensya sa Japanese authorities.
Pangunahin na rito aniya ang mga cellphone na nakumpiska mula sa mga pugante habang nakapiit sa BI Detention Center.
Isasagawa ang turnover alinsunod sa rules sa transnational crimes na pinagkasunduan ng dalawang bansa.
Moira Encina