Deportasyon sa dalawa pang Japanese fugitives, tuloy mamayang gabi –DOJ
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na tuloy mamayang gabi ang deportasyon sa dalawa pang Japanese fugitives na wanted sa mga kasong robbery sa Japan.
Isa na rito ang umano’y si alyas Luffy na si Yuki Watanabe na sinasabing lider ng mga serye ng mga nakawan sa Japan.
Kasama ni Watanabe na makababalik na sa Japan ang kapwa akusado niya na si Tomonobu Saito.
Sasakay sila ng Japan Airlines flight na nakatakdang lumipad ng 11:45 ng gabi sa NAIA Terminal 1.
Noong Martes ay ibinasura na ng korte sa Pasay City ang mga kasong anti- violence against women laban kina Watanabe at Saito kaya puwede na silang mapabalik ng Japan.
Wala namang impormasyon si DOJ Spokesperson Mico Clavano kung naghain pa ng apela ang private complainants laban sa dismissal ng kaso.
Kung mayroon man aniya ito ay wala na ring magiging saysay.
Tiwala rin si Clavano na hindi hahadlangan ng hudikatura ang anumang hakbangin ng pamahalaan na ipadeport ang mga pugante.
Naipagbigay alam na rin aniya ng personal ni Justice Secretary Crispin Remulla kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umusad na ang deportasyon sa mga wanted na banyaga na nangyari bago ang pagbisita nito sa Japan at ito ay ikinalugod ng presidente.
Siniguro ng departamento sa Japanese government na handa ang Pilipinas na muling makipagtulungan sa mga ito sakaling may mga katulad na isyu sa hinaharap.
Moira Encina