Panukalang batas na magtatatag ng food cold storage sa bawat probinsya inihain sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magtayo ng food cold storage sa bawat probinsiya sa buong bansa.
Inihain ni Congressman Teodorico Haresco Jr. ang House Bill 6978 na nagsusulong ng pagtatayo ng Food Cold Storage Facility sa bawat lalawigan upang masiguro ang sapat na supply ng pagkain, mapababa ang inflation rate, maresolba ang smuggling at hoarding ng mga agricultural products.
Kapag naging ganap na batas ang panukalang batas ni Congressman Haresco ang Department of Agriculture o DA ay makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng cold storage facilities na dapat ay accessible sa mga magsasaka.
Sinabi ni Haresco, ang food security ay mahalaga sa alin mang bansa sa buong mundo.
Naniniwala si Haresco na kapag mayroong sapat na cold storage facilities ang bansa, magkakaroon ng tamang food distribution at food supply chain na pakikinabangan ng mga lokal na magsasaka.
Vic Somintac