Mga piskal at pulis magtutulungan na sa case build-up –Remulla
Binubuo na ng Department of Justice (DOJ) ang mga panuntunan sa case build-up na layong makasiguro na maipapanalo ang mga kasong isinasampa ng prosekusyon sa mga korte.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, sa ilalim ng case build-rules ay magkatuwang na ang mga pulis at piskal sa simula pa lang.
Halimbawa aniya kapag may nadakip ang mga pulis na suspek ay sasamahan na ito ng piskal sa pagkalap ng mga ebidensya.
Sinabi ng kalihim na ito ay para matiyak na magiging malakas ang kaso kapag ito ay inihain na ng piskalya sa hukuman at makakakuha ng conviction.
Pinag-aaralan na rin aniya ng mga piskal ang pag-urong sa kaso laban sa mga nakakulong lalo na kung tiyak na hindi kaya na maipanalo ito sa korte para ma-decongest pa ang mga piitan.
Tiniyak ni Remulla na unti-unti at maingat nilang inaaral ang mga reporma sa sistema ng hustisya upang hindi ito maabuso at hindi maging dehado ang mga biktima.
Moira Encina