SOJ Remulla hinamon ang ICC na imbestigahan ang mga drug cartel at iba pang sindikato
Kung talagang seryoso umano sa isyu ng karapatang pantao ang International Criminal Court (ICC) ay dapat na imbestigahan nito ang mga drug cartel at iba pang mga sindikato.
Ito ang hamon ni Justice Secretary Crispin Remulla sa ICC sa harap ng pag-apruba ng Pre- Trial Chamber nito na buksan muli ang drug war probe.
Ayon kay Remulla, ang drug cartels ang dahilan kung bakit may giyera kontra iligal na droga ang bansa.
Aniya, hanggang ngayon ay may “silent drug war” ang bansa dahil patuloy pa rin na sinisira ng ipinagbabawal na gamot ang buhay ng mga Pilipino.
Hinimok pa ng kalihim ang ICC na imbestigahan din ang mga kriminal na sindikato na nasa likod ng trafficking ng mga bata at kababaihan.
Binuweltahan din ni Remulla ang pamumulitika at pamimili ng ICC ng mga personalidad na nais lamang nito na imbestigahan.
Binalaan din ng kalihim ang ICC na huwag paglaruan ang legal system ng bansa.
Iginiit ng justice chief na malalabag ng ICC ang mga batas ng Pilipinas kung ipipilit nito na ilagay sa kanilang kamay ang judicial power ng bansa.
Tiniyak ni Remulla na hindi yuyuko ang gobyerno sa political agenda ng ICC dahil gumagana ang sistema ng hustisya at hudikatura ng Pilipinas.
Moira Encina