Hong Kong high-rise construction site, tinupok ng malaking sunog
Isang mataas na gusali na itinatayo sa Hong Kong ang nasunog, kung saan inilikas ang mga residente mula sa kalapit na residential area dahil sa banta ng pagkalat ng sunog.
Sinabi ng mga opisyal na ang sunog ay unang sumiklab, bandang alas-11:11 ng gabi (1511 GMT) nitong Huwebes sa sentro ng Tsim Sha Tsui, isang abalang shopping at tourist district sa harborfront ng lungsod. Kalaunan ay itinaas ito sa 4th level of severity sa isang five-point scale.
Wala namang naiulat na casualties hanggang kaninang umaga, habang ang 130 apektadong mga residente ay ni-relocate na sa lugar na may ligtas na distansya mula sa gusaling nasusunog.
Unang nakita ang apoy malapit sa scaffolding sa tuktok ng gusali, kung saan ang lagablab ay kitang-kita sa buong daungan, at may mga baga galing sa sunog ang umulan sa mga kalapit na kalye.
Makalipas ang halos isang oras, kumalat ang apoy sa kahabaan ng gusali at papalapit na sa street level, kung saan daan-daang kataong nag-uusisa sa sunog ang nagtitipon.
Sinabi ng Japanese tourist na si Tosho Sai, na tumutuloy sa kalapit na gusali, na isang security guard ang nagsabi sa kanila na lisanin na ang palapag na kanilang kinaroroonan, matapos tamaan ng baga mula sa sunog ang isang bintana sa unit na katabing pinto nila.
Kuwento naman ng isang French business traveler na dumaraan sa lugar, “I saw lots of debris falling from the tower. It’s truly an apocalyptic scene… Really very, very scary for everyone.”
Ang apoy ay kitang-kita mula sa bubong ng isang office tower na nasa kabilang kalsada, bandang alas-3:30 kaninang umaga, na nagdulot ng pangamba sa mas malawak na sunog.
Sinabi ng pulisya, na limang gusali sa mga lugar na nakapaligid ang nag-ulat din ng sunog, bagama’t ang ilan ay agad namang naapula.
Ayon sa website ng developer na Empire Group, ang 42-palapag na gusali na tinawag na “harborside icon” in the making, ay itinayo para maging tahanan ng makasaysayang Mariners’ Club at isang bagong hotel.
Ang HK$6 billion ($764 million) redevelopment project ay binigyan ng go-signal noong 2019 at inaasahang makukumpleto sa unang kalahati ng 2023, ayon sa local media.
Hindi naman agad tumugon ang Empire nang hingan ng komento.
© Agence France-Presse