Dalawa ang patay, milyong katao ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa ice storm sa Quebec
Dalawa katao ang namatay habang milyong katao ang nawalan ng suplay ng kuryente, nang manalasa ang ice storm sa eastern Canada sanhi upang bumagsak ang mga linya ng kuryente at maharangan ang mga kalsada ng natumbang mga puno.
Hinampas ng bagyo ang Quebec at Ontario, ang dalawang pinakamataong probinsya ng Canada.
Sinabi ni Quebec Minister of Economy and Energy Pierre Fitzgibbon, “Montreal is devastated, but the situation is under control.”
Gayunpaman, nanawagan ang mga awtoridad para sa pag-iingat, at pinayuhan ang mga tao na lumayo sa mga bumagsak na linya ng kuryente at iwasang maglakad sa mga kakahuyan kung saan maaaring matumba ang mga puno na puno ng yelo.
Isang residente sa Ontario ang namatay nang tamaan ng natumbang puno, habang isang lalaki naman na nasa kaniyang 60s ang nasawi rin makaraang bagsakan ng sanga na sinusubukan niyang putulin sa kanilang bakuran, may 60 kilometro sa kanluran ng Montreal.
Halos isang milyong katao ang wala pa ring suplay ng kuryente, na ang karamihan ay sa Quebec, ngunit may ilang linya na naibalik na.
Ito ang pinakamalawak na naranasang pagkawala ng suplay ng kuryente sa Quebec, simula nang manalasa ang isang ice storm noong 1998, na nagdulot ng kaguluhan sa lalawigan sa loob ng ilang linggo.
Sinabi ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, na nasa Montreal, “It’s a very difficult moment for Montrealers, for people across the region who have been hit by this ice storm.”
Ang pagkawala ng kuryente ay pangunahing dahil sa mga sanga ng puno na bumigat dahil sa yelo, na naputol at sumira sa mga linya ng kuryente.
Ang lungsod ay naging isang birtuwal na hardin ng yelo nang tumama ang bagyo, kung saan nabalot ng makapal na yelo ang mga traffic light, mga bisikleta, mga sasakyan, fire escape at anumang bagay na nasa labas.
Pinatuloy ng emergency centers ang mga residenteng nawalan ng kuryente, habang ang temperatura ay halos “freezing” na.
Ayon kay Quebec Premier Francois Legault, “Unfortunately, we can think that with climate change there will be more and more events of this type in the coming years.’
© Agence France-Presse