DOJ hiniling sa Muntinlupa Court na buksan muli ang isang kaso laban kay De Lima
Ihihirit ng Department of Justice (DOJ) na pabuksan muli ang isa sa drug cases na isinampa laban kay dating Justice Secretary Leila de Lima.
Sa anim-na-pahinang mosyon, hiniling ng prosecution sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 na muling buksan ang paglilitis para sa presentasyon ng kanilang rebuttal evidence.
“The Prosecution moves for the reconsideration of the order given in open court today, and for the re-opening of the trial to allow the presentation of prosecution’s rebuttal evidence,” ayon sa inihaing mosyon.
“While the presentation of rebuttal evidence is discretionary with the prosecution in criminal action, in the instant case, the overwhelming import of the new facts disclosed by the accused which have a damaging effect on the complainant’s version is imperative and necessary,” dagdag pa ng prosecution.
Ikinabigla naman ng legal team ni De Lima matapos matanggap ang kopya ng mosyon ng DOJ para i-prisinta si Atty. Demiteer Huerta ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang rebuttal witness.
Partikular na hiniling ng DOJ sa Muntinlupa Corut na buksan ang kaso ukol sa alegasyong tumanggap ng illegal drug money si De Lima kay dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Lagos.
Pero sabi ng kampo ng dati ring senador na tututulan nila ang mosyon ng DOJ.
Nilinaw naman ng DOJ na hindi nila nais patagalin ang paglilitis laban kay De Lima lalo’t inaasahang magbababa na ng desisyon ang hukuman sa isyu sa Mayo 12.
Noong nakaraang taon, binawi nina Ragos at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa ang alegasyon laban kay De Lima at humingi ng paumanhin sa kaniya.
Noong nakaraang Pebrero sumapit sa kaniyang ika-anim na taong pagkakakulong ang dating kalihim at Senador.
Weng dela Fuente