Condo owners hinikayat ng BI na isumbong ang mga unit owners na sangkot sa scam
Aminado ang Bureau of Immigration (BI) na hirap silang makapasok sa mga condominium building para magsagawa ng imbestigasyon.
Paliwanag ni BI Commissioner Norman Tansingco, mga residential area kasi ito kaya hindi nila pwedeng basta pasukin.
Kaya naman, apela ng opisyal sa mga may-ari ng condo na i-report ang mga kahina-hinala o iligal na aktibidad ng mga dayuhan sa kanilang lugar.
Ginawa ni Tansingco ang pahayag kasunod ng napa-ulat na pagkakaroon umano ng crypto currency scam operation sa isang condo building sa Pasay City kung saan mga dayuhan naman ang bini-biktima ng human traffickers.
Giit ng opisyal ang paglaban sa human trafficking ay isang shared responsibility.
Babala niya sa condo building owners, ang kabiguang i-report ito ay pwedeng maikunsidera sila nang pagtatago ng illegal aliens na may katapat na parusang pagkabilanggo ng hanggang 10-taon sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940.
Madelyn Villar- Moratillo