Dalawa patay, matapos manalasa ng mga tornado at masamang panahon sa Oklahoma
Dalawa katao ang nasawi sa Oklahoma, nang manalasa ang mga buhawi at masamang panahon doon.
Kinumpirma ng emergency management authorities sa south-central McClain county ng Oklahoma sa kanilang Facebook post ang tungkol sa dalawang namatay, at sinabing magpapatuloy pa ang search and rescue efforts.
Ayon sa post, “Crews are responding to reported injuries & persons entrapped within their shelters. We are conducting grid searches in an approximate 10 mile path.”
Babala ng mga awtoridad, maaaring tumaas pa ang bilang ng mga nasawi kapag nalaman na ang kabuuang pinsala ng bagyo.
Sinabi ni sheriff deputy Scott Gibbons, “As the night goes on, and the grid searches increase and information continues to come forward, the numbers may increase, unfortunately.”
Makikita sa ilang video footage ang nasira at nawasak na mga gusali, habang nagkalat naman ang debris sa paligid ng maliit na bayan ng Cole.
Inilarawan ng tanggapan ng National Weather Service sa kalapit na Norman, Oklahoma ang “erratic” tornadoes at “supercell” na bagyong tumama sa rehiyon.
© Agence France-Presse