IS ‘mastermind’ sa Kabul airport attack, napatay ng Taliban: White House
Napatay ng Taliban government ang umano’y mastermind sa isang suicide bomb attack sa Kabul airport, sa panahon ng pag-alis ng US forces doon noong 2021, ayon sa White House.
Pinasabog ng suicide bomber ang kaniyang sarili sa gitna ng maraming tao sa perimeter ng paliparan, habang nagtatangka ang mga ito na tumakas mula sa Afghanistan noong August 26, 2021. Ang pagsabog ay ikinasawi ng may 170 Afghans at 13 US troops na nagbibigay noon ng seguridad sa airport.
Isa iyon sa pinakagrabeng pambobomba sa Afghanistan nitong nakalipas na mga taon, na nagresulta upang batikusin si US President Joe Biden sa desisyon niyang i-withdraw ang American forces mula sa Afghanistan, halos 20-taon matapos ang US invasion.
Sa isang pahayag ay sinabi ni White House national security spokesman John Kirby, na ang lider ng Islamic State cell na siyang nagplano ng pag-atake ay napatay ng Taliban authorities.
Banggit ang lugar sa labas ng paliparan kung saan nangyari ang pag-atake, sinabi ni Kirby, “He was a key ISIS-K official directly involved in plotting operations like Abbey Gate, and now is no longer able to plot or conduct attacks. He was killed in a Taliban operation.”
Subalit wala nang ibigay na iba pang detalye si Kirby.
Ang ISIS-K ay tumutukoy sa Islamic State Khorasan, ang branch ng grupo na nag-ooperate sa Afghanistan at Pakistan.
Dahil sa withdrawal na natapos noong August 30, 2021, naging madali na sa Taliban fighters na daigin ang Western-trained Afghan forces sa loob lang ng ilang linggo, na naging sanhi ng desperadong paglikas ng US troops mula sa Kabul airport, kung saan sa loob lang ng ilang araw ay nagawang mailabas sa bansa sa pamamagitan ng military airlift operation, ang higit sa 120,000 katao.
Matagal nang ipinagtanggol ni Biden ang kaniyang desisyon na alisin na sa Afghanistan ang US troops, na ayon sa mga kritiko ay nakatulong sa masamang pagbagsak ng Afghan forces at nagbigay daan para makabalik sa kapangyarihan ang Taliban, dalawang dekada makaraang mapatalsik ang una nilang gobyerno.
Sa kaniyang pahayag ay sinabi ni Kirby, “We have made clear to the Taliban that it is their responsibility to ensure that they give no safe haven to terrorists, whether Al-Qaeda or ISIS-K. We have made good on the President’s pledge to establish an over-the-horizon capacity to monitor potential terrorist threats, not only from Afghanistan but elsewhere around the world where that threat has metastasized, as we have done in Somalia and Syria.”
Matagal nang sangkot sa labanan ang Taliban at IS sa Afghanistan, at tinukoy ng mga eksperto na ang jihadist group ang magiging pinakamalaking “security challenge” para sa bagong Afghan government upang ito ay makapagpatuloy.
© Agence France-Presse