PNP ikinakasa ang lifestyle check sa mga pulis na sangkot sa P6.7B shabu bust
Isasa-ilalim sa lifestyle check ang 49 na pulis na sangkot sa operasyon ng P6.7-billion shabu bust sa Maynila noong October 2022.
Sa harap ito ng rekomendasyon ng Special Investigation and Detection Group (SITG) 990 na sampahan ng kasong criminal at adminsitratibo ang nasabing mga pulis.
Hawak na rin ng PNP Criminal and Detection Group (CIDG) at PNP Internal Affairs Service (IAS) ang rekomendasyon at oras na maisampa ang kaso ay sisimulan na ang lifestyle check sa nasabing mga opisyal.
Isasailalim rin ang mga ito sa mahigpit na background investigation.
“Kasama sa effort ng SITG yung pagre-rekomenda nung tinatawag na complete background check doon sa mga involved doon sa operation ng 990 at doon sa 42 kilos pilferage case,” paliwanag ni Police Lt. Col. Red Maranan, hepe ng PNP Public Information Office (PIO).
Sa ngayon patuloy na iniimbestigahan kung saan galing ang 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa lending office na pagmamay-ari ng sinibak na si Police Major Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Kasama sa sinisilip ang posibilidad na mula ito sa tinatawag na savings o yung mga droga na ipinupuslit mula sa malalaking operasyon.
“Isa sa tinututukan nila diyan ay kung paano nakarating doon sa WPD Lending Office na pag-a-ari ni Mayo yung halos 1 toneladang shabu nay un, paano yun naipon, kung ito ba ay isang bagsak na dinala roon o paunti-unti nilang naipon,” paliwanag pa ni Maranan.
Tiniyak naman ng PNP na sa ilalim ng liderato ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ay tutukan nya ang kaso.
“Madiin ang conviction ng ating PNP chief na matapos itong imbestigasyon ng 990 at sinabi naman niya sa kaniyang mga panayam at speech na tututkan niya ang paglaban dito sa illegal na droga, lalung-lalo na mas magiging mahigpit siya doon sa mga pulis na may kinalaman dito sa illegal na droga,” dagdag pa ni Maranan.
Sa ngayon ay nasa police holding and accounting unit ng PNP ang mga dawit na pulis na una na ring dinis-armahan.
Mar Gabriel