PBBM dumating na sa US para sa 5-day official visit

Dumating na sa Estados Unidos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 5- araw na official visit sa bansa na naglalayong palakasin ang matagal nang ugnayan sa pagitan ng PIlipinas at Amerika.

Sakay ng PR 001, kasama ng Pangulo ang buong Philippine delegation na lumapag sa Joint Base Andrews bago mag-alas singko ng hapon ng April 30,Washington time o kaninang bago mag-alas singko ng umaga ng May 1,Philippine time.

Kabilang sa schedule ng Pangulo na magsisimula ng May 1 ang bilateral meeting kay US President Joe Biden sa White House na agad susundan ng expanded bilateral meetings kasama ang iba pang US officials.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) tiyak na magiging bahagi ng agenda ang ukol sa depensa at seguridad sa pagitan ng dalawang lider.

Partikular na ditto ang ukol sa defense agreements matapos unang sabihin ni Pangulong Marcos na kailangang mag-evolve ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng dalawang bansa sa kasalukuyang security situation, na may kaugnayan rin sa ibang bansa.

Inaasahan ding ipo-promote ni Pangulong Marcos ang Philippine economic agenda at manliligaw sa mga negosyanteng Amerikano para mamuhunan sa Pilipinas.

Sinabi din ng DFA na possible ring magkaroon ng panahon ang Chief Executive na makipagpulong sa Filipino community sa Washington.

Ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington D.C ay kasunod ng katatapos na Balikatan Exercises sa pagitan ng tropang Pilipino at Amerikano,gayundin ng anunsyo para sa pinalawig na lugar sa implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *