NCR COVID positivity rate umakyat sa 18.8%
Umakyat pa sa 18.8% ang lingguhang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) hanggang noong May 1, 2023.
Batay sa pandemic monitoring ng OCTA Research Group, sinabi ni Dr. Guido David na 7.1% ang itinaas ng 7-day positivity rate ng Metro Manila mula sa 11.7% na naitala noong April 24.
Ang positivity rate ay ang porsyento ng mga indibidwal na nagpo-positibo sa tala ng mga sumasailalim sa COVID-19 tests.
Ang bilang ay higit na sa 5% threshold na itinakda ng World Health Organization (WHO).
Mataas man ang positivity rate, sinabi ng Department of Health (DOH) na nananatiling mababa ang healthcare utilization rate (HUR) ng bansa.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire na maraming factors ang nasa likod ng pagtaas sa kaso ng impeksyon, kabilang na ang mas maraming bilang ng lumalabas na tao, at mga mas nakakahawang bagong variants ng virus.
Hanggang noong Martes, May 2, nakapagtala ang bansa ng 843 bagong kaso ng COVID-19.
Sa pangkabuuan ng bansa, nasa 15.9% ang positivity rate ng Pilipinas.
Weng dela Fuente