PBBM inihiwatig ang reorganisasyon sa Gabinete
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos na magkakaroon ng reorganisasyon sa hanay ng kaniyang Gabinete.
Sa ambush interview sa kaniya sa Indonesia kung saan siya dumadalo sa 42nd ASEAN Summit, tinanong ang Pangulo ukol sa magiging pagbabago sa kaniyang Gabinete matapos ang isang taon mula nang May 9 national elections.
“So, yes, there’s really going to be, I don’t know about reshuffle but definitely reorganization sa Gabinete,” tugon ng Pangulo sa tanong ng media.
Ngayong May 9 magwawakas ang one-year ban sa mga hindi nanalong kandidato sa nakaraang eleksyon para maitalaga sa posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ng Pangulo na sapat na ang isang taon para makita kung sino sa mga itinalaga sa pwesto sa gobyerno kung sino ang nakatugon.
“Tapos na ang OJT ng lahat ng tao, and we’ve seen who performs well and who will be important,” pagdidiin pa ng Chief Executive.
Sa mga nakaraang linggo, umugong ang mga pangalan ng mga posibleng italaga sa pwesto ni Pangulong Marcos mula sa mga natalong kandidato noong nakaraang eleksyon.
Kabilang dito sina dating Manila Mayor Isko Moreno, dating Senador Gringo Honasan, dating Defense Secretary Gilbert Teodoro at Dr. Willie Ong.
Ilang key positions din sa Gabine ang hanggang ngayon ay wala pang permanenteng pinuno at pinangangasiwaan ng Officer-in-Charge gaya ng Department of Health (DOH) at Department of National Defense (DND).
Weng dela Fuente