Dating Gov. Pryde Teves, iniimbestigahan din sa posibleng pagkakasangkot sa Degamo murder – DOJ
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang sinasabing pagkakadawit ni dating Governor Pryde Henry Teves sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Regamo.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla sa pahayag ng biyuda ni Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo na dapat kasama rin sa mga kasuhan ang kapatid ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na si Pryde Henry.
Ayon kay Remulla, binanggit na niya kay Mrs. Degamo na nakabase sa ebidensya ang mga hakbangin ng DOJ.
Aniya, hindi aakto ang DOJ para sa mga politikal na kadahilanan.
“We’re here to punish crimes based on evidence, crimes and perpetrators based on evidence,” pagdidiin ni Sec. Remulla.
Samantala, sinabi ni Remulla na bukod kay Congressman Teves ay may ilan pang indibiduwal na sabay din na sinampahan ng mga reklamong murder sa DOJ noong Miyerkules kaugnay sa Degamo killing.
Ayon sa kalihim, natukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilan pang posibleng sangkot sa krimen.
Sinabi ng DOJ chief na maaaring ang mga ito ay mga accessory o tumulong sa pagsasagawa sa krimen.
Sa ngayon ay hindi pa inilabas ng DOJ ang pangalan ng mga nasabing respondent.
Moira Encina