DOJ tiniyak na malakas ang ebidensya sa Degamo killing kahit bumaligtad ang ilang suspek
Naninindigan ang Department of Justice (DOJ) na matibay at sapat ang mga hawak nilang ebidensya kaugnay sa Degamo murder case.
Ito ang inihayag ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon kasunod ng recantation ng apat sa mga suspect-witnesses sa krimen.
Sinabi ni Fadullon na walang magiging epekto ang pagbaligtad ng apat sa mga kaso na naisampa na sa korte.
Aniya, hindi nangangahulugan na dahil may umurong o magbago ng testimonya ay masisira na ang kaso.
Kuwestiyonable na rin aniya ang kredibilidad at ang motibo ng apat sa pagbago ng kanilang salaysay.
Iginiit ni Fadullon na hindi maaaring paiba-iba ang testimonya kaya kailangan malaman din ang pangyayari kung bakit nabago at biglaan ang pagbaligtad.
Ipau-ubaya naman ni Fadullon sa panel of prosecutors ang pag-evaluate sa recantation at kung may epekto ito sa reklamong murder laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Sa ngayon ay wala pa sa hukuman ang kaso laban kay Teves at isasailalim pa muna sa preliminary investigation sa DOJ.
Moira Encina