Mga Pinoy prioridad sa 28K trabahong bubuksan sa Taiwan – MECO
Nangangailangan ng 28,000 mga trabahador ang Taiwan.
Sa foreign workers na may oportunidad para magtrabaho sa Taiwan, sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III, na una sa prayoridad ang mga Pilipino.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Bello na napapanahon ang oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino.
Sa 28,000 manggagawa na kailangan sa Taiwan, 600 ang factory workers, 8,000 ang construction workers at farm workers, gayundin ang caregivers.
“14,000 na caregiver ang kailangan sa Taiwan at kagaya ng sinabi ko bagama’t open yan sa Indonesia, Vietnam and other countries, number 1 tayo sa priorities nila,” ayon kay MECO Chairman Bello.
Sa ngayon ay may 120,000 Pinoy factory workers ang nagta-trabaho sa Taiwan.
Kung isasama ang iba pang skilled workers at mga professionals gaya ng teachers, ay nasa 175,000 ang bilang ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nasabing bansa.
Para sa mga interesado, hinikayat ni Bello ang mga ito na magtungo sa MECO office sa Makati.
“Kailangan, lalung-lalo na ng caregivers, eh mga 8,000 ang kailangan dun sa Taiwan, kaya this is a very good opportunity, alternative ito, kung mayroong mga gusto ay pumunta lang kayo sa tanggapan namin dyan sa Makati,” dagdag pa ni Bello.
Samantala, naghanda na rin ang MECO ng mga posibleng relief para sa mga kababayang maaapektuhan ng inaasahang pananalasa ng bagyong Betty (may international name na Mawar) sa sandaling pumasok ito sa Taiwan.
Sa ngayon, sinabi ni Bello na maganda pa rin ang panahon bagama’t makulimlim ang himpapawid at may kaunting pag-ambon.
Sa forecast ng PAGASA, Taiwan ang susunod na daraanan ng bagyo paglabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes.
Weng dela Fuente