Umano’y oral argument sa Taguig-Makati territorial dispute, fake news ayon sa Taguig LGU
Na-alarma ang Taguig LGU sa lumabas na ulat kung saan sinabi ni Makati City Mayor Abi Binay na magkakaroon ng oral argument ang Korte Suprema kaugnay sa territorial dispute ng dalawang lungsod.
Sa isang statement, tinawag rin ng Taguig LGU na fake news ang kumakalat sa social media na nagsasabing naka-usap na umano ni Makati City Mayor Abi Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang kaso ng territorial dispute.
Giit ng Taguig, wala umano silang natatanggap na anumang notice mula sa Korte Suprema patungkol sa oral argument.
Mismong si SC Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na rin anila ang naglinaw na walang itinatakdang oral arguments hinggil sa terrirotial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.
Apila ng Taguig sa Korte Suprema tingnan ang claim ng Makati LGU.
Mahaba na umano ang tinakbo ng kaso at anumang naging desisyon sa kaso ay dapat na igalang.
Kumpiyansa umano ito sa national leadership subalit ang ikinababahala nila ay ang negatibong epekto sa isip ng mga residente ng mga pahayag ng Makati City ukol sa isyu.
Madelyn Moratillo