DFA chief, uupo bilang co-chair ng Philippines-India Joint Commission on Bilateral Cooperation
Magtutungo sa New Delhi, India si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo para sa pagpupulong ng Philippines-India Joint Commission on Bilateral Cooperation (JCBC) sa June 29.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), inimbitahan si Secretary Manalo ni Minister of External Affairs Dr. Subrahmanyam Jaishankar para maging co-chair sa ikalimang pagpupulong ng JCBC ng dalawang bansa.
Si Secretary Manalo ang mangunguna sa delegasyon na binubuo ng mga opisyal mula sa DFA, Department of Finance, Philippine Space Agency, National Intelligence Coordinating Agency at Philippine Overseas Construction Board ng Department of Trade and Industry.
Ang Philippines-India JCBC ay ministerial-level platform na kadalasang ginagawa kada dalawang taon para rebyuhin ang bilateral relations at ilatag ang areas of cooperation ng dalawang bansa sa mga susunod pang taon.
Sinabi ng DFA na ang pagpupulong ay sumasalamin sa lumalalim na ugnayan ng Pilipinas at India sa iba’t ibang sektor.
Nakatakdang ipagdiwang ng Pilipinas at India ang ika-75 taon ng diplomatic relations nito sa 2024.
Moira Encina