Pagpapalabas ng pelikulang Barbie dapat ring ipagbawal sa Pilipinas
Nanawagan si Senator Jinggoy Estrada sa MTRCB na tulad sa Vietnam, ipagbawal din sa Pilipinas ang pagpapalabas ng pelikulang “Barbie”.
Sa nasabing pelikula ay may isang clip o eksena na may mapa at ipinapakita ang nine-dash line ng China sa South China Sea.
Ayon kay Estrada bagamat maituturing na ‘fiction’ o kathang isip lang ang “Barbie” film pero ang usapin ng nine-dash line ng China at ang teritoryo ng bansa ay ikinukunsiderang napakasensitibong isyu.
Taliwas aniya sa pambansang interes ang eksena sa pelikula at walang ‘historic rights’ ang China sa karagatan o teritoryo na sinasabing sakop ng nine-dash line.
Mismong ang Arbitral tribunal aniya ang nagdesisyon noong 2016 na walang basehan ang naturang linya na likha lang ng China.
Sinabi ni Estrada na matagal nang ipinaglaban ng gobyerno ang karapatan ng bansa sa ating teritoryo at marapat lamang na manindigan sa mga usapin na may kinalaman sa soberenya ng bansa.
Ang mga naunang pelikula tulad ng ‘Unchartered’ at ‘Abominable’ ay hindi pinayagan ang pagpapalabas sa mga cinema o movie houses sa bansa dahil sa parehong dahilan kaya umaasa si Estrada na ganito rin ang magiging pasya ng MTRCB sa ‘Barbie’ movie.
Meanne Corvera