Overseas Employment Certification ipinali-libre ni PBBM sa DMW
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na tingnan ang posibilidad na gawing libre ang aplikasyon para sa Overseas Employment Certification (OEC)
Ibinaba ng Pangulo ang direktiba sa pagpupulong kasama ang DMW, Bureau of Immigration (BI) at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Malacañang kung saan i-prinisinta ng migrant agency ang DMW Mobile App.
Sinabi ni DMW Secretary Susana ‘Toots’ Ople na hinihintay na lamang nila ang approval ng DICT para sa opisyal na paglulunsad ng ‘DMW Mobile App’ upang tiyakin ang cybersecurity features nito bago matugunan ang utos ng Pangulo sa OEC.
“Ang bilin lang niya tiyakin daw ng department na walang babayaran ang ating mga manggagawang migrante, ‘yung ating mga OFWs, sa paggamit nung mobile app, at pag-download at pagkuha ng OFW Pass,” paliwanag ni Ople.
Sa sandaling ma-aprubahan, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na maglalaman ang App ng OFW Pass, isang digital at secure version ng OEC, na magsisilbing digital identity ng OFWs.
Matapos ang dalawa o tatlong buwang transition period matapos ang activation, ang OFW Pass ang papalit sa OEC.
Sinabi ng PCO na may malaking kaibahan ang OFW Pass at OEC dahil ang OFW Pass ay QR-code generated at may mahabang validity, samantalang maaaring ma-acquire sa pamamagitan lamang ng App, habang ang OEC ay kailangan ang onsite processing na may P100 kabayaran at epektibo lamang sa loob ng 60 araw.
Ina-asahang pag-i-isahin ng DMW ang Mobile App sa eTravel at e-Gate systems ng BI na ili-link naman sa eGov PH Super App ng DICT sa kalaunan.
Kabilang naman sa maaaring mag-avail ng OFW Pass ang mga first-time OFWs; Balik-Mangagawa OFWs o OFWs na pansamantalang umuwi sa Pilipinas ngunit babalik sa kaparehong employer, OFW’s na lumipat sa ibang employer o mangagawa na kailangang magrehistro ng kontrata at beripikasyon ng Office of the Labor Attaché.
Weng dela Fuente