Mga Pinoy sa Sudan pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt na lumikas na
Nanawagan muli ang Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt sa mga Pilipino sa Sudan na agad lisanin ang nasabing bansa para sa kanilang kaligtasan.
Ito ay bunsod ng nagpapatuloy na kaguluhan sa nasabing bansa.
Sa abiso ng Philippine embassy, sinabi na patuloy ang assistance ng gobyerno ng Pilipinas sa mga nais na lumikas ng Sudan.
Sa mga Pinoy na nais bumalik ng Pilipinas, payo ng Embahada na ibigay sa kanila ang buong pangalan, contact number at kopya ng pasaporte.
Para sa mga Pinoy na gusto namang tumuloy sa Egypt, inabisuhan ang mga ito na tumugon sa standing order na mag-apply in advance sa entry visas.
Kung nais ng mga Pinoy na lumikas sa pamamagitan ng Port Sudan ay dapat na ipabatid din agad ito sa Embahada.
Pinayuhan din ang mga Pinoy na tiyakin na may sapat silang salapi habang hinihintay ang evacuation patungo sa Wadi Halfa at Port Sudan na umaabot ng 10 araw o higit pa
Moira Encina