Pagdedeploy ng US ng nuclear missile submarine, kinondena ng North Korea

Photo c/o eaglenews.ph

Inakusahan ng North Korea ang isang US spy aircraft ng pagpasok sa kanilang airspace, at kinondena ang plano ng Washington na mag-deploy ng nuclear missile submarine malapit sa Korean peninsula.

Sinabi ng isang tagapagsalita para sa Ministry of National Defence ng North Korea, na ngayong buwan ay nagsagawa ng “provocative” flight ang US spy aircraft, kung saan isang reconnaissance plane nila ang “ilang ulit” na pumasok sa airspace ng NoKor sa East Sea.

Ayon sa naturang tagapagsalita, “There is no guarantee that such shocking accident as downing of the U.S. Air Force strategic reconnaissance plane will not happen in the East Sea of Korea.’

Binanggit ng tagapagsalita ang mga nakaraang insidente nang pabagsakin ng Pyongyang ang mga sasakyang panghimpapawid ng US, at binalaan ang Estados Unidos na pagbabayaran nito ang kanilang “frantically staged” air espionage.

Kinondena rin sa naturang pahayag ang planong deployment ng US strategic nuclear assets sa Korean peninsula, bilang “most undisguised nuclear blackmail” sa North Korea na nagdulot ng isang matinding banta sa regional at global security.

Nakasaad sa pahayag, “The present situation clearly proves that the situation of the Korean peninsula is coming closer to the threshold of nuclear conflict due to the U.S. provocative military action.”

Noong Abril ay sinabi ng Washington na magpapadala ito ng nuclear ballistic submarine, para sa unang pagbisita sa isang daungan sa South Korea sa loob ng ilang dekada, nang hindi tinutukoy kung kailan.

Ang North Korea ay nagsagawa ng maraming sanctions-busting launches ngayong taon, kabilang ang test-firing sa pinakamalakas na intercontinental ballistic missiles, at noong Mayo ay ang pagtatangkang magpalipad ng isang military spy satellite sa kalawakan.

Bilang tugon ay pinalakas naman ng Estados Unidos at South Korea ang kanilang defence cooperation, at nagsagawa ng joint military exercises gamit ang advanced stealth jets at high-profile US strategic assets.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *